Pages

24 July 2014

Talumpati ng Kagalang-galang Benigno S. Aquino III Pangulo ng Pilipinas Sa pagpapasinaya ng Ciudad de Victoria


[Inihayag sa sa Bocaue, Bulacan, noong ika-21 ng Hulyo 2014]
Magandang umaga po sa inyong lahat.
Tinuro po sa akin ng aking ama, na ‘pag nagtatalumpati, may kausap, tignan daw po sa mata. Pero talagang napakalawak po ng ating kailangang titigan ngayon lalo na po ‘yong mga nasa taas ng balconahe. [Applause] Sana po ay sa kasuluk-sulukan ay nagkakaintindihan pa rin tayo. Salamat po.
Binabati po natin ang lahat ng bumubuo ng Iglesia ni Cristo [applause], sa pangunguna ng inyong Tagapamahalang Pangkalahatan na si Ka Eduardo Manalo. Binabati ko po kayo sa nalalapit ninyong ika-100 anibersaryo. Narito nga po tayo ngayon upang saksihan ang makasaysayan ninyong pagdiriwang, na lalong nagbibigay-kulay sa inyong sentenaryo: ang paglulunsad ng Ciudad de Victoria. Angkop nga po ang pangalan ng lugar na ito—na may kahulugang “Lungsod ng Tagumpay”—lalo pa’t sinasalamin nito ang mga nakamit na tagumpay ng Iglesia sa nagdaang siglo [applause].  Mula po sa pagkakatatag ng Kagalang-galang Felix Manalo, hanggang sa patuloy na paglago ng inyo pong kongregasyon, tinitingala ang Iglesia ni Cristo, hindi lang sa ating bansa, kundi maging sa iba’t ibang panig ng daigdig. [Applause]
Talaga naman pong ikinalulugod ko ang pagkakataong maging bahagi ng pagtitipong ito. Personal nga po nating sinusuportahan ang isang institusyong tulad ng Iglesia sa maalab na paghubog ng inyong mga miyembro bilang mga tapat na alagad ng ating Panginoon. [Applause] Nagsisilbi po kayong tulay upang mapalalim pa ang pananampalataya ng inyong mga kasapi, at maigting ninyong ginagabayan ang buhay ispiritwal ng napakarami nating kababayan. [Applause]
Lubos po din tayong humahanga sa matibay ninyong pagsasamahan sa Iglesia bilang isang pamilya at komunidad. [Applause] Malinaw po sa akin: Hindi natatapos sa loob ng kapilya ang inyong pagbubuklod at pananampalataya. Hindi kayo nakukuntento sa pangangasiwa sa araw ng pagsamba; dinadalaw din ninyo ang inyong mga kaanib upang personal silang kamustahin [applause], at aktibo po silang hikayatin na makilahok sa mga gawain ng komunidad. Sa paraang ito, nababatid ninyo ang kanilang kalagayan at ang mga suliraning nakakaapekto sa kanilang kilos at pasya; nagagabayan n’yo sila upang mapatibay ang kanilang ugnayan sa kapwa, at ang pananalig sa Panginoon. [Applause]
Tunay pong isinasabuhay ninyo ang mga dakilang aral ni Hesukristo. Ayon nga po sa Aklat ni Juan, Kabanata 13, Bersikulo 34 hanggang 35 [cheers and applause], nang magbigay ng bagong utos si Hesus sa kanyang mga alagad, sabi po: Mag-ibigan kayo. Kung paanong inibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo. [Applause] Kung kayo’y mag-ibigan, makikilala ng lahat na kayo’y mga alagad ko. [Applause]
Nakasaad naman po sa Aklat ni Mateo, Kabanata 25, Bersikulo 40 [cheers and applause]. Alam ho n’yo po, napapag-isip ako, bakit mag nag-quo-quote po ako sa bible [laughter], maski matagal ko nang kasamahan parang, nabibigla ho. Anyway po, nakasulat nga po: Anuman ang ginawa ninyo sa isa sa pinakahamak na kapatid ko, ginawa ninyo ito sa akin. [Applause]
Kongkretong patunay nga po ang paglulunsad ng Ciudad de Victoria sa diwa ng pagkakaisang nangingibabaw sa Iglesia ni Cristo. Naipatayo ito mula sa buong-pusong paghahandog ng inyong mga kasapi, kaakibat ang hangaring makatulong sa mabubuting gawain at misyon ng Iglesia. Patunay din po ito sa tayog ng mithiing kayang maabot ng mga Pilipino, at sa kakayahan nating makipagsabayan sa buong mundo. [Applause]
Nandito nga po tayo sa strukturang inaabangan na ng lahat—ang Philippine Arena, na kikilalaning pinakamalaking dome arena sa buong mundo. [Applause] Tunay nga pong pambihira: Sa kapasidad na kasya ang 55,000 katao, higit raw sa doble ang laki nito kaysa Staples Center sa Los Angeles, California. [Applause]
Pero batid nating itinayo ang strukturang ito, hindi para makipagpaligsahan. Ipinagawa ito para sa banal at dakilang layuning noon pa man ay pinangarap na ni Ka EraƱo Manalo [applause]—ang magtaguyod ng espasyo upang maglingkod at ibahagi ang biyaya ng Panginoon sa lokal at pandaigdigang komunidad. [Applause]
Bukod sa Philippine Arena, nasasabik din tayo sa uusbong ditong iba pang pasilidad na maghahatid ng benepisyo, hindi lang para sa mga kaanib ng kongregasyon, kundi pati na rin sa lahat ng ating kababayan. Taos-puso po tayong nagpapasalamat sa Iglesia ni Cristo sa pagmamalasakit ninyo sa ating kapwa; tunay pong [applause] ipinapamalas po ninyo ito, hindi lang sa salita, kundi sa gawa. [Applause] Maraming salamat po sa pagiging kabalikat ng ating administrasyon sa pagsusulong ng mabuting pamamahala.
Sa pag-aambagan nga po ng sambayanang Pilipino, nagbukal ang tinatamasa nating malawakang transpormasyon sa ating lipunan. At sa trabaho po nating ito ng pagsusulong ng reporma, hindi maiiwasan na mayroon tayong makakaaway. Mayroon pong iilan na anuman ang gawin ko, gaya ng pagdalo rito, ay maghahanap pa rin ng puwedeng ibatikos. Paalala ko lang sa kanila: Kung kapwa ko Kristiyano, tungkulin nating magmahalan sa ngalan ng Panginoon [applause], sa halip na maghasik ng agam-agam at ‘di-pagkakaunawaan. Bilang mga tagasunod ng Panginoon, lagi sana tayong magtulungan sa pagtataguyod ng ikabubuti ng lahat; lagi sana tayong maging bukal ng pag-asa at paglingap sa ating kapwa, lalo na sa mas nangangailangan.
Muli po, maligayang pagdiriwang po sa Iglesia ni Cristo. Nawa’y patuloy kayong maghatid ng positibong ambag at mabuting impluwensiya sa sambayanang Pilipino [applause]; pagpalain pa sana kayo ng Diyos ng marami pang biyaya at tagumpay hanggang sa susunod na daantaon.
Muli po: Magandang umaga sa inyong lahat at maraming salamat po.


Source: http://www.gov.ph/2014/07/21/speech-of-president-aquino-at-the-inauguration-of-ciudad-de-victoria/

No comments: